SHS palyado sa layunin; Jinggoy, gustong buwagin ang K-12

Nathaniel Russel Tible
5 Min Read

Itinurong dahilan ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkabigo ng Senior High School (SHS) na makamit ang layuning makabuo ng mga “skilled and job-ready graduates” sa paghain nito ng panukalang batas na nagbabalak isaayos ang kasalukuyang K-12 kurikulum.

Ginawang basehan ni Estrada sa inihaing Senate Bill 3001 (Rationalized Basic Education Act) ang pahayag ng Department of Education (DepEd) kung saan inamin nitong hindi pa rin naisasakatuparan ng SHS ang adhikain nito dahil sa magulong curriculum, sobrang trabaho sa mag-aaral at guro, at mababang porsyento ng labor participation mula sa SHS graduates.

“Ever since this education reform was put in place, it has been met with criticisms and objections from various groups. It has been 12 years now since the enactment of the law, yet it still has not fully achieved its goal,” ani Estrada sa isang press release na inilabas ng Senado.

Ayon pa kay Estrada, hindi na dapat ipinapasan pa sa mga mag-aaral at magulang ang dagdag oras at gastusin sa dalawang taong pag-aaral sa SHS.

“We can’t keep letting students and their parents shoulder the extra time and cost of senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level?” dagdag nito.

Ipinunto rin ni Estrada ang naging sarbey ng Pulse Asia noong Marso 2025 kung saan 33% ng mga sumagot ay kuntento sa kasalukuyang estado ng SHS habang 40% naman ang dismayado.

GE sa SHS

Nauna nang nagbigay ng suhestiyon ang DepEd na ibaba sa SHS ang tatlong General Education (GE) subjects mula sa kolehiyo: Art Appreciation, Contemporary World, at Ethics kasabay ng pagrebisa ng bagong kurikulum na ihahain dito.

“Meron na po kaming five [subjects], 15 units na po out of 50 ang existing units ng GE ang nasa senior high school na. ‘Yong 15 na ‘yon madadagdagan pa ng three courses, ‘yong art appreciation, contemporary world, ethics,” saad ni Assistant DepEd Secretary Janir Datukan.

Iginiit nito na mas mainam ito upang mabawasan nang isang semestre ang kabuoang oras na igugugol ng mga mag-aaral sa kolehiyo.

“Nasaan siya from Grade 7 to 12? Present na po sila. We don’t want a duplication. Kung idadagdag po natin ‘yong 3 units of 15, meron po tayong madadagdag a total of nine sa 15. That’s already equivalent to one semester,” ani Datukan.

Balak din ng DepEd na palitan ng pangalan ang mga sumusunod na core subjects sa SHS alinsunod sa kasalukuyang subject titles sa ilalim ng Commision on Higher Education (CHED):

  • Effective Communication/Mabisang Komunikasyon sa Purposive Communication
  • Life and Career Skills sa Understanding the Self
  • General Mathematics sa Mathematics in the Modern World
  • General Science sa Science, Technology and Society
  • Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino sa Readings in Philippine History

Layon ng pagbabagong ito na maipakita umano ang “updated competencies” na pinagtulungang buoin ng DepEd at CHED para sa bagong kurikulum.

Tatanggalin pa rin sa kurikulum

Sa kabila ng mga oposisyon, nanindigan pa rin si Datukan sa pagpapatanggal ng tatlong GE subjects sa kurikulum ng kolehiyo.

Kasabay ito ng pagsasaayos ng daloy ng kurikulum sa edukasyong sekondarya at matugunan ang problema sa aspektong pinansyal at lohistika na kinahaharap ng mga mag-aaral.

Mariin namang tinutulan ng University of the Philippines – Diliman Department of Philosophy ang pagpapatanggal ng Ethics sa kolehiyo dahil maisasakripisyo umano nito ang “vital educational and civic good.”

“We recognize the financial pressures on students. However, a three-unit Ethics course represents less than three percent of a typical degree program—a modest investment for lifelong critical thinking skills,” giit ng departamento.

Makatutulong umano itong mahasa pa ang kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng tamang prinsipyo sa paglutas sa mga suliraning kinahaharap ng mundo.

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply