Bawal bang magmahal? Kahalagaan ng pagmamahal sa ‘sino’ kaysa ‘ano’

Zea Domingo
5 Min Read

Walang maling pag-ibig—ang puso ang nagdidikta kung paano magmahal, at kadalasan, nagmamahal tayo sa tanging paraang alam natin. Sa pagmamahal, mas mahalaga ang sino kaysa ano. 

Natatakot, pinipilit magtago, ayaw may makaalam—ilan lang ito sa mga araw-araw na danas ng mga LGBT sa Pilipinas, lalo na at kilala ang bansa bilang isang Christian country na mayroong matatag na paniniwala sa relihiyon at katolisismo. Kaya para sa mga LGBT, mahirap mabuhay, nakasasakal gumalaw sa isang lugar na konserbatibo kung saan bawat galaw, hitsura, at salita ay mapapansin at mapupuna. 

Limitadong proteksyon

Sa buong Asya, itininuturing na isa sa pinaka-LGBT-friendly na bansa ang Pilipinas. Ayon sa pag-aaral ng Pew Research Center, 73% ng mga Pilipino ang nagsasabing dapat tanggapin ng lipunan ang homosexuality. Gayumpaman, sa kabila ng mga pag-aaral na umuulad ang pagtanggap ng mga Pilipino sa LGBT community, hindi pa rin  nagkakaroon ng ligtas at protektadong espasyo para sa kanila. 

Batay sa ulat ng Council for the Welfare of Children, sa bawat 174 batang LGBT, 75% ang minamaltrato, 78% ang psychologically abused, at 33% ang sexually violated—patunay lamang ito na hindi sapat ang pagtanggap, kundi kinakailangan din ng pagkilos, pagpasa ng batas, at pagpapatupad ng mga ordinansang makatutulong upang maging ligtas ang kanilang mamumuhay.

Hanggang ngayon, halos hindi pa rin ginagalaw ang baso sa pagsasabatas ng Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Bill. Dahil dito, patuloy pa rin ang pag-aabuso at laganap pa rin ang diskriminasyon sa mga bahagi ng LGBT, habang ang mga nang-aabuso ay hindi nanaghot.

Karapatang magpakasal

Bagaman mayroong ibang lungsod na nagsasagawa ng commitment ceremony para sa mga LGBT, katulad ng Quezon City, hindi pa rin legal ang same-sex marriage sa Pilipinas.

Sa gitna ng kabila’t kanang panawagan ng maraming LGBT sector, hindi pa rin kabilang ang Pilipinas sa 38 na bansang legal ang same-sex marriage  dahil sa pagtataglay ng Pilipinas ng conservative catholic views.

Noong 2015, naghain si Atty. Jesus Falcis III ng petisyon sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang probisyon sa Family Code of the Philippines 1987, sapagkat nililimitahan nito ang sagradong seremonya ng kasal sa pagitan ng lalaki at babae, subalit ibinasura ito noong 2019. 

Hindi naiiba ang karapatan ng mga LGBT sa mga heterosexual—tao rin sila, at karapatan nila na magpakasal at maging masaya. At ang pagpapasawalang-bahala ng petisyon at batas ay tila pagpupundi ng kanilang liwanag na makamit ang pagkakapantay-pantay. 

Makulay na komunidad

Ayon sa datos ng Ipsos Global Advisor Survey noong 2023, tinatayang 9% ng populasyon sa buong mundo ay kabilang sa LGBT community. Mula rito, kapansin-pansin din na mas mataas ang bahagdan ng mga kabataang kabilang sa LGBT kung saan umabot sa 18% ang bilang ng mga GenZ. Ipinapakita nito na mas nagiging bukas na ang mga bagong henerasyon ang iba’t ibang sexual orientation at identity kumpara sa mga Baby Boomers at GenX.

Sa parehong survey, inilabas din ang average na porsyento ng bawat sexual orientation sa iba’t ibang bansa: 3% ng mga tao ang lesbian o gay, 4% ay bisexual, 1% ay pansexual o omnisexual, at 1% naman ay asexual.

Malinaw na unti-unting lumilitaw ang pagbabago sa lipunan, at dahil sa pagbabagong ito, mas nagiging progresibo na rin ang pananaw ng mga tao sa kasarian.

Ang bawat isa ay iba-iba. Hindi tayo pare-pareho ng paniniwala, pinaglalaban, at prinsipyo sa buhay. Katulad sa pag-ibig, mayroon din tayong iba’t ibang kulay na tinataglay—mga kulay na bakas ng pagkakakilanlan, karanasan, at bumubuo sa kung sino tayo. 

Subalit hindi maiiwasan na may mga pagkakataong pinipilit burahin ang bahaghari—ang simbolo ng pag-asa, pagtanggap, at pagkakapantay-pantay. Kaya kahit nahanap na natin ang pag-ibig na ito, nasasabihan naman itong mali: kasalanan o krimen, pero hindi naman talaga mali magmahal; hindi dapat nakakatakot magmahal.

Katapangan ang pagiging totoo sa sarili, hindi kasalanan. Dahil sa dulo, iisa lamang ang hinahangad natin: pagkakapantay-pantay at kalayaang magmahal nang hindi na natin kailangang magtago. Likas sa atin ang magmahal—dahil karapatan ng lahat ang maging malaya.

Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply