KERI-NDERYA: Sarap ng lutong tahanan kahit butas ang bulsa

Nathaniel Russel Tible
5 Min Read

Nakaukit na sa buhay at puso ng mga Pilipino ang mga putaheng kumakatawan sa ating kultura—tulad ng Adobo, Caldereta, Dinuguan, at iba pa. Bukod sa sarap nito, sumisimbolo rin ang mga pagkaing ito sa daan-daang taong kasaysayang humulma sa kung ano ang mayroon tayo ngayon.

Kadalasang puno ang karinderya ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar. May mga galing sa kani-kanilang probinsya, mga galing sa loob ng kanilang bahay, mga motorista, at iba pa. Kung tutuosin, may mga fast-food chains naman at ordering apps tulad ng Foodpanda at Grab, at mas mabilis naman kung doon na lang sila kakain, ngunit mas pinipili pa rin nilang kumain dito.

‘Karihan’

Hitik na sa kasaysayan ang pinagmulan ng salitang carinderia. Ito ay nagmula sa salitang Kari—ang Filipinong pagsasalin sa pagkaing Curry. Ngunit, bakit nga ba curry? Dahil umano ito sa mga Sepoy—mga Indiyanong sundalong nagsisilbi sa ilalim ng Europeong militar—na nagpakasal sa Pilipino, na nagbebenta ng nasabing pagkain sa gilid-gilid.

Kalaunan ay lumago ang mga ito sa ngayong karinderya kung saan napanatili pa rin ang layunin nitong makapagbenta ng pagkain sa mga gilid habang hindi na limitado sa curry ang itinitinda rito.

Impluwensya’

Naging malaking impluwensya ang mga karinderya sa pagkahubog ng pagkatao ni Doreen G. Fernandez, isa sa mga kilalang Pilipinong food critic at cultural historian

Sa kaniyang librong Tikim: Essays on Philippine Food and Culture (1994). Inilarawan niya kung paano nabuo ang kaniyang interes sa kasaysayan at kultura ng mga pagkain at papaano ito nakatulong bilang isang manunulat at kritiko ng Pagkaing Pinoy.

“My teachers are all those who give me information about food: market vendors, street sellers, cooks, chefs, waiters, restaurant and carinderia owners, farmers, tricycle drivers, gardeners, fishermen, aficionados, nutritionists, readers of my columns, friends, food critics and historians, fellow researchers, authors of books (and cookbooks), writers of columns, food anthropologists — everyone who eats and cares.” saad ni Fernandez sa kaniyang libro.

Nagsisilbing patunay ang buhay ni Fernandez na hindi lamang sa pagkain naikot ang mundo ng karinderya, dahil balot na balot ito sa kasaysayang hindi kayang ihayag ng salita mag-isa.

‘Kapit-bisig’

Ang kultura ng isang komunidad ay mahalaga, at gagawin ng mga mamamayan nito ang kanilang makakaya upang mapreserba ito. Bilang bahagi ng kultura ng mga Pilipino, dapat lamang pahalagahan ang konsepto ng karinderya sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangasiwa rito.

Noong 2023, inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) Rizal Provincial Office ang isang comprehensive orientation para sa 30 carienda owners upang mahasa ang kanilang kaalaman tungkol sa iba’t ibang programa ng DTI—partikular na ang programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG). Layunin ng programang itong matulungan ang mga micro-enterprises tulad ng mga kainan at karinderya upang muling makabangon dulot ng mga insidente tulad ng sunog, sakuna, at pandemya.

Nagbigay naman noong 2021 ang DTI-National Capital Region (DTI-NCR) ng “carienda kits” na nagkakahalaga ng Php. 8,000 sa 75 benipisyaryo ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB)—isang programang naglalayong mapalapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Local Government Units (LGU) at opisyales ng DTI. 

Tungo sa mga gawaing ito, napapangasiwaan natin ang estado ng mga karinderya sa bansa at nahihikayat ang iba na magtayo rin ng kanilang sariling negosyo.

‘Minus gastos’

Kung ikukumpara mo sa mga fast-food chains, sobrang mura ng mga pagkain sa karinderya. Batay sa mga ulat ng netizens mula sa Reddit, naglalaro mula sa Php. 50-150 ang karaniwang presyo ng isang meal sa karinderya. Kadalasang kasama na umano rito ang kanin, meat dish, at gulay. Kaya naman ay kahit walang wala ka na talaga, mayroong lugar na maghihintay sa iyo.

‘Bakit karinderya?’

Nakaukit na sa buhay ng bawat Pilipino ang mga karinderya. Ito ang nagsisilbing safe space nila hindi lamang sa pagkain, kundi pati na rin sa pakikipag-kapwa. Tuwing kakain tayo sa isang karinderya, kasama natin ang daan-daang tao na kumain, nagsama-sama, at naglaan ng oras dito—mga taong may kani-kaniyang kwento at buhay. 

Tayo ang bumuo at patuloy na bubuo sa kasaysayan ng karinderya.

TAGGED:
Share This Article
Leave a Comment

Leave a Reply