Sa pagpasok ng tag-ulan, isa sa mga bagay na pinaka-inaabangan ng bawat Pilipino ay ang pagkakataong makapag-enjoy ng mga pagkain na hindi lang nagpapainit ng katawan, kundi nagbibigay din ng comfort at saya.
Mas nagiging espesyal ang hapag-kainan kapag may mainit-init na sabaw at masarap na ulam, lalo na kapag kasama ang pamilya.
Kaya naman, narito ang ilang mga pagkain na swak na swak para sa maulang panahon.
Sopas
Kung naghahanap ng mainit, masarap, at masustansiyang pagkain, Sopas ang perfect for you. Ang sopas ay isa ring comfort food ng mga Pilipino, lalo na kapag naghalo-halo na sa panlasa ang creamy sabaw, malambot na pasta, manok, at gulay, katulad ng carrots at repolyo.
Patok na patok ito sa panlasa ng mga Pilipino at ang mainit na sabaw nito ay panlaban na rin sa lamig ng panahon.
Champorado
Para sa mga sweet tooth naman, Champorado talaga ang isa sa mga hanap-hanap tuwing tag-ulan. Nakabubusog at nakasa-satisfy ng craving ang tamis nito dahil sa cocoa, bigas na malapot, at gatas.
Minsan, kung gusto mong pagsabayin ang lasa ng tamis-alat, maaari mo rin itong lagyan ng tuyo. Kadalasan itong ginagawa upang mawala ang umay ng panlasa mula sa matamis ng pagkain.
Goto/Lugaw
Isa sa mga pangunahing niluluto tuwing maulan na panahon ang Goto o Lugaw. Madalas itong ihain dahil hindi lamang ito nakabubusog, kundi mabilis lang din itong lutuin at hindi gaanong kinakailangan ng maraming sangkap.
Nilalagyan din ito ng sahog na itlog, tokwa, baboy, o manok para mas lalong sumarap.
Sinigang
Sino naman ang tatanggi sa Sinigang? Marami itong klase katulad ng Sinigang na Baboy, Sinigang na Bangus, at Sinigang na Hipon. Ang putahe na ito ay masustansiya rin gawa ng marami nitong gulay, kagaya ng okra, kangkong, at gabi.
Ang maasim at mainit na sabaw ay pampagana, lalo na sa malamig na panahon. Madalas na rin itong iluto bilang ulam kahit hindi umuulan.
Naging tradisyon at kultura na ng mga Pilipino na magkaroon ng comfort foods kapag nalalapit na ang maulang panahon. Kaya, tuwing tag-ulan, nagiging mas espesyal ang bawat simpleng pagsasalo dahil sa mga pagkaing mainit at masarap na nagbibigay-init sa katawan at puso.