Umabot sa 2,118 ang naitalang kaso ng measles-rubella sa bansa, mas mataas ng 8% kumpara sa nakaraang taon ayon sa Department of Health (DOH) noong Mayo 10.
Kasabay nito, nagbabala rin ang World Health Organization (WHO) sa posibleng “dangerous comeback” ng nasabing sakit sa bansa at karatig rehiyon.
Sa kabila nito, hindi ito ang unang pagkakataong nakitaan ng paglobo ang kaso ng measles sa bansa. Noong 2014, tinatayang umabot sa 57,564 ang naapektuhan ng tigdas sa Pilipinas, kung saan 21,403 ang nakumpirma at 110 naman ang nasawi.
Noong Pebrero 2019, nagdeklara rin ang DOH ng measles outbreak kung saan mahigit 12,000 agad ang naitalang kaso ng nasabing sakit sa katapusan ng parehong buwan.
Ano ang Tigdas?
Ang Measles, o mas kilala bilang tigdas, ay isang uri ng viral infection dulot ng Morbillivirus hominis virus. Ang tigdas ay isang airborne disease—kumakalat sa pamamagitan ng hangin o tuwing may bumabahin at umuubo.
Nananatiling airborne ang measles virus hanggang dalawang oras, kaya naman ay may posibilidad pa rin na mahawaan ang isang tao kahit matagal nang lumipas ang interaksyon nito sa isang carrier.
Sintomas ng Tigdas
Karaniwang makikita sa isang pasyenteng may tigdas ang pantal o rash sa balat nito. Maaari ring magkaroon ng ubo, sipon, maluhang mata, at white spots sa loob ng bibig ang mga taong nahawaan ng nasabing sakit.
Kadalasang lumalabas ang mga sintomas na ito 10–14 na araw matapos makihalubilo sa isang carrier, at tumatagal ng tinatayang 4-7 araw ang mga ito sa katawan.
Bulutong vs. Tigdas
Kadalasang naihahalintulad ng nakararami ang bulutong at tigdas dahil sa mga irregularities na naidudulot nito sa balat, ngunit magkaiba ang dalawa. Ang bulutong o chickenpox ay isa ring uri ng airborne disease mula sa varicella-zoster virus (VZV).
Ang prominenteng sintomas ng bulutong ay mga spots na kadalasang napupuno ng likido o fluid-filled sacs sa balat, at mapulang rash naman ang para sa tigdas.
Huwag katakutan
Noong 2007, nakamit ng bansa ang 92% vaccination rate laban sa measles, ang all-time high record. Ngunit sa paglipas ng taon, patuloy at patuloy itong bumababa, kung saan nasa 57% ito noong 2020 at 72% naman noong 2022.
Halos lahat ng naitalang kaso ng nasabing sakit sa bansa ay dahil sa pagbaba ng vaccination rate. Ang mga taong hindi bakunado—mapa bata man o matanda—ay at risk sa tigdas. Ang mga sanggol na hindi bakunado at mga buntis ay may mas mataas na tsansang makaranas ng malubhang komplikasyon mula sa nasabing sakit.
Kung susuriin ang datos mula sa Centers for Disease and Control Prevention (CDC), 21.1 milyong buhay sa buong mundo ang nasagip dahil sa bakuna sa tigas mula 2000 hanggang 2017.
Walang tiyak na gamot para sa tigdas, at ang pagpapabakuna lamang ang kasalukuyang paraan upang hindi mahawa sa sakit.